Dear Dorris

dorris2Ganito rin noon, takipsilim.

Nandoon si Dorris pagdating ko sa opisina, naghihintay daw siya sa akin. Galing siya sa ospital. Nagpasa daw ng mga lab test at nagpatingin.

Ngiting ngiti ako sumalubong sa kanya. “Nandito ka na,” matamlay niyang tugon. Makikituloy daw muna siya at kailangang bumalik ulit ng ospital kinabukasan.

Nilakad lang namin papunta sa tutuluyan niya. Malapit lang, pero hapong hapo na raw siya. Hinihingal at masakit ang likod. Mabuti at hindi umuulan. Mabuti at kasama niya ang apo niya.

“Noon, di ko ininda iyong sakit ko. Pero ito talaga, iba ang pakiramdam ko,” angal niya. Isa iyon sa mga unang pagkakataong narinig ko siyang dumaing.

Naglatag na ako agad ng banig para makapahinga siya. Kahit daw nakahiga masakit ang likod niya. Ano na ba ang diagnosis? Hindi pa raw alam. Pero noong una siyang maospital, sinabi na niyang may nakita ngang bukol sa baga. Di raw sigurado kung ano. O siguro rin, pareho lang naming ayaw siguruhin.

Nagpaalam ako, babalik muna ako ng opisina. Anong oras ka babalik? May gagawin ka pa? Saka ko naramdamang ayaw na niya sana akong paalisin.

Walang pagod, walang sakit
Bago ito, maraming sunod-sunod na aktibidad. Namatay si Eduardo Serrano, bilanggong pulitikal at NDF consultant. Ilang araw na parangal sa UP Diliman at Los Banos, pagkatapos ay iniuwi ang labi sa Naga. Hanggang sa paghahatid sa Naga, kasama siya. Pero umuwi na dahil kailangan nang umuwi ng buong delegasyon ng Timog Katagalugan. Sunod-sunod nang pagod, kailangan muna magpahinga.

Pero isang linggong pagitan lang, nasa Maynila na naman siya sa rali sa paggunita sa Mendiola masaker. Papunta ako sa solidarity night sa DAR, nag-text siya at hinahanap ako. Nagkita kami, at umalis ako ulit. Nag-text siya ulit at saan daw ako pumunta. Maagang maaga sa opisina na kami nagkita. Nagkape, habang sige ang biro niya sa akin. Parang matalik na kaibigan nung hayskul na mas masaya pa siya sa akin laluna kung buhay pag-ibig ang pinag-uusapan.

Di ko na siya nakita sa bulto pagdating ng Mendiola. Di na pala bumaba ng jeep at nilalagnat na raw siya. Ilang araw ang makalipas, tumawag at puntahan ko raw siya sa Lung Center. Naku, tuluyan nang nagkasakit ng pneumonia. Gabi na ako nakapunta. Nagpadala ang mga kasama sa akin ng konting prutas, tinapay. Pero ang ibinilin talaga niya, Dutch Mill na paborito niya.

Nakatulog ako kahit paano sa magdamag na pagbabantay, kung kailan dapat hindi. Kinabukasan, inusisa ko ang sakit niya. Iyon nga, pneumonia, at may bukol sa baga. Pero maiksi lang iyon, mas tanong siya nang tanong kung kumain na ba ako. Itinuturo kung saan ako hihiga, kung anong kukumutin ko. Pati rasyon, pinakain sa akin. Dutch Mill lang talaga ang kaya niya ubusin.

Tatlong araw lang, nakatayo na siya ulit. Ayaw pang mag-wheelchair, napapayag lang na sumakay nang biniro siyang sulitin ang bayad sa ospital. Habang naghihintay ma-discharge, naabutan ko siyang nagsusulat ng mga bilin, binabasa ang bagong ibinigay sa kanyang listahan ng mga kaso ng mga bilanggong pulitikal  sa ST, nagtutuos ng budget. Mas gusto niya talaga, siya ang kumikilos at di nagpapaasikaso.

Pagbabalik
Nakilala ko si Dorris taong 2012, nang mapaslang si Arman Albarillo at ilan pang combatant ng NPA sa isang labanan sa Quezon. Si Arman, biktima ng Oplan Bantay Laya ni Gloria Macapagal-Arroyo. Pinatay ang mga magulang niya, mga lider ng Bayan Muna. Sila ni Dorris ay tinakot, pinagbantaan at kinasuhan kasama ng tinaguriang Southern Tagalog 72. Sinampahan ng mga gawa-gawang kaso ang karamihan ng mga lider ng mga organisasyon, kaya kinailangan nilang i-santwaryo.

Nagsalita siya sa programa. Ngayon lang daw siya bumalik aniya. Siya pala si Dorris Cuario, secretary general ng Karapatan Southern Tagalog. Aniya, masakit sa kanyang magpahinga habang nagpapatuloy ang mga kasama. Kinailangan pa palang atasan siyang magpahinga noon.

Hinila ako ng isang kasama para ipakilala sa kanya. Kimi akong nakipagkamay. Mabuti raw may bago, may mga bata. Kahit si Dorris, bata pa nang kaunti nang pumalit kay Eden Marcellana, pinaslang na secretary general ng Karapatan Southern Tagalog sa ilalim ni Palparan. Naudot nang kaunti nang kinailangan niyang magpahinga. Itong pagbabalik niya, diretso lang sa dating gawi sa gawain. Parang wala nang sakit.

Parang tiyahin
Tuwing luluwas siya – mag-aayos ng papel, maglalakad sa kung saang korte, magpipiket sa mga ahensya ng gobyerno, dadalaw sa kulungan, punong abala sa lakbayan – didiretso iyan sa opisina namin. Sa pagitan ng mga ito, tiyak makikipagkuwentuhan siya.

Lagi niyang sasabihing ang bait ko daw, at inihahalintulad ako sa isa pang kasamang matagal niyang nakasama. Kapag sinasabi niya, pakiramdam ko para siyang tita na dumalaw sa pamangkin. Saka ko lang nalaman na wala rin pala siyang asawa. Ang dulo niyan, sasabihin niya sa aking makipagrelasyon na ako.

Maraming ganyang biruan (tulad minsang harapan niya akong tinukso sa isang kasama), pero di hamak na mas marami ang kwentong gawain sa HR (human rights). Halos lahat yata ng mga naunang kaso nang bago pa kami mapadpad sa Karapatan, basta sa ST, alam niya. Magkukwento siya kung paanong dati, ang konti lang daw ng mga kasama sa national office. Saka niya uuliting mabuti raw ngayon marami na.

Nakita ko iyon sa ilang beses na nakasama ko siya sa mga aktibidad ng ST para sa iba’t ibang biktima at sa iba’t ibang kaso. Bukod sa kaliwa’t kanang pakikipag-usap, kapag may binanggit na kaso, mistulang natural na sa kanyang maglahad ng background at ng mga detalye. Minsan, mapapansin mong kahit siya nalilito at nabubulunan na minsan sa mga dapat niyang asikasuhin. Kaya lang, mas magkakasakit yata siya kapag di siya kumilos. Konting hinga lang, makakapagsinsin na siya ulit. Hindi naman din halatang nagagalit kasi laging mahinahon. Isa siya sa mga kasamang totoo ang kasabihang “galit lang sa kaaway.” Laging maalalahanin at maasikaso sa mga kasama.

Tulad minsan, lumabas kami ng isang bagong layang bilanggong pulitikal para maglakad ng papel. Kami lang dalawa, walang kasama. Di kami dapat magtatagal, nagkayayaan lang na mag-ukay-ukay. Sige ang tawag niya sa telepono, bakit daw kami umalis nang kami lang. Naghanda na kaming mapagalitan. Pagdating namin, nakaupo siya sa mesa at may nakahaing barbecue. Kumuha na raw kami ng kanin. Sige ang sorry ko, pero ngumiti na lang siya.

Minsan naman, pareho kami inanyayahan sa isang aktibidad sa Mindoro. Nauna silang dumating kaya nang sumunod ako, paulit-ulit niyang sinabing sayang, sana nakasabay na ako. Pag-uwi, para na niya akong karay-karay na bata. Di niya ako binitiwan hanggang makauwi kahit na ang ibig sabihin noon ay makailang sakay kami ng jeep palayo sa kanyang uuwian, basta maihatid ako.
dorris.jpg
Walang paalam
Huling text niya sa akin, ipagtanong ko raw saan iyong alternative medicine sa Binondo, para daw habang may diwa pa siya ay mapuntahan niya. Noon palang mga panahong iyon, mahina na talaga siya. Pero natuwa na rin ako nang mula sa pag-ayaw sa gamutan at tuwirang pag-ayaw dahil sa sobrang sakit na ng nararamdaman niya, nakumbinsi siyang sumubok pa rin.

Huli naming pagkikita, nang maratay na siya sa ospital. Maglilimang araw na nang tawagan ako ng pamangkin niya. Pagpunta namin, akto siyang iiyak. May mga kasama akong umiyak na rin, kaya sige na lang ang patawa ko habang nakahawak sa kamay at braso niya. Natuwa siyang makitang kasama namin ang isang bagong layong bilanggong pulitikal. Saka sinabing, “Pasensya na, di na ako nakadalaw. Buti pa ikaw malaya na, ako eto.” Kaya biniro na lang naming ulit, kaya iyong mga lumalaya na ang dumadalaw sa iyo. Bahagya siyang ngumiti.

Huling beses na nakausap ko siya, nakiusap lang ako sa kasamang nagbabantay na ipasa sa kanya ang telepono. Tumawag ang kasama para magtanong kung kailan kami dadalaw sa kanya. Impit na impit ang boses niya, matinis at ramdam sa boses ang dinadaing. Pero ang bungad niya sa akin, kailan daw kami pupunta doon para mai-coordinate at maayos. Ano raw ang gagamiting sasakyan, ilan kaming darating. Isa-isa kong sinagot ang mga tanong niya hanggang maisip ko na teka, tingnan mo ito, nagko-coordinate at nag-aasikaso na naman. Kinuha na ng kasamang bantay ang telepono at pagod na raw si Dorris. Bago binawi ang telepono, nasabi ko sa kanyang tatag lang, maging masaya at huwag masyado mag-alala.

Sa pag-aalala sa mga huling sandaling iyon – ang huling hagod sa kamay, likod, huling halik at yakap – pinakamahirap isiping wala na siya. Kapag may rali na kasama ang ST, nariyan pa ring sa paghahanap ng kakilala sa bulto ay siya ang nasa isip. Nitong pumasyal ako sa isang probinsya sa ST, muntik ko nang i-text ang number niya para magtanong ng direksyon.

Di na ako nakaulit ng pagdadala ng Dutch Mill, o ng mga bagong kwentong inaabangan niya. Mas gusto niya iyon, kaysa siya ang pinag-uusapan. Ang tanging kinayamutan lang yata niya ay iyong pagiging mala-alambre ng buhok niya na tuyong-tuyo na at papahiran pa sana namin ng sunflower oil.

Madaling-araw nang pumanaw siya. Tanging ang nasabi ko lang, pati pagkamatay niya, tahimik. Samantalang buong puso niyang inasikaso at pinaglingkuran ang masa, ang gusto niya iyong di siya aasikasuhin.

Pahinga ka na Dorris, pero walang paalam. Mahal ka namin. Maraming salamat sa pagkakaibigan, kasama. Nabuhay ka nang lubos na nakikibaka at naglilingkod sa sambayanan. ###
 

Ka Eddik

interphoto_1440593665

 

 

 

 

 

 

 

 

Bago mananghali, lakad paroo’t parito ang isang kaopisina, paulit-ulit na sinasabing di maganda, di maganda. May sinasabi siyang numero. Blood pressure? Parang ang baba naman, sa loob-loob ko. Pero nang sinabihan niya kami ng isa pang kasama na magmadali at kumain na ng pananghalian, nag-alala na kami. Kailangan daw pumunta sa Taguig. Inatake si Ka Eddik.

Sumakay kami ng MRT at bumaba ng Magallanes. Punuan ang mga jeep. Ayaw namang magsakay ng mga taxi kesyo traffic daw kahit na sinabi ko nang emergency. Ilang minuto pa, nakatiyempo rin ng bakanteng upuan sa tabi ng driver.

Sa Taguig-Pateros District Hospital dinadala ang mga detenido galing ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan. Pagbaba namin sa harap ng ospital, nandoon ang mobile ng BJMP, sa tapat ng emergency room. Isang tao bawat pasyente lang ang pinapapasok kaya una munang pumasok ang kasama ko. Pagkalipas ng ilang minuto, tinawag niya ako mula sa exit ng emergency room sa likod saka iniabot ang reseta ng suwero at syringe na pinabibili ng nurse. Kumusta, sabi ko. Para siyang naluluha, sabi ng kasama ko.

Sasang-ayon ang lahat na si Ka Eddik ang pinaka-smiling face sa lahat ng bilanggong pulitikal. Ngiting wagas, ika nga. “Ako UPLB!” tuwang-tuwa niyang sinabi sa una naming pagkakakilala sa Camp Crame, ilang taon na ang nakararaan. Ganoon siya sa bawat nakakasalamuha, hahanap ng ugnayan at saka magkukwento. Sa kaso ko, bilang ka-eskwela, kapwa naging estudyante, kabataang aktibista. Pero siyempre pa, higit na makulay ang naging buhay pakikibaka niya. Bukod sa pagiging lider-estudyante sa panahon ng sigwa at kamay na bakal, nagpunyagi siya bilang mag-aaral at dalubhasa sa agrikultura — ngunit hindi isinulong ang personal na karera kundi buong panahong makipamuhay, mag-organisa at makibaka kasama ng mga magsasaka at katutubo sa Timog Katagalugan, gayundin sa kanyang pinagmulang bayan sa Bicol.

“Muntik na, mabuti na lang”
Muntik na, muntik na, paulit-ulit na bungad ni Ka Eddik sa akin pagpasok ko ng emergency room. Pinilit niyang bumangon at umupo mula sa hinihigaang stretcher na aluminum, nakaabot ang pakikipagkamay. Kumamay ako at yumakap, saka sinabing humiga na lang siya. Tinanong ko siya kung kumusta, kung naigagalaw niya ang mga braso at binti niya. Nag-close open siya ng kamay. Nag-unat ng binti. Ayos naman, ang tangi niyang sagot. Saka itinuro ang dilaw na kamisetang may nakapintang mga salitang Free All Political Prisoners.

Mabuti na lang daw at nakapagpalit siya ng damit. Nang umagang iyon, bumaba siya sa opisina ng jail administration sa ground floor, para igiit na ibigay na sa kanya ang mga gamit niya na galing ng Crame. May mga gamit pang hindi ibinibigay mula nang malipat siya sa SICA (Special Intensive Care Area) noong Setyembre 2015.

Binaybay ni Ka Eddik mula noong gabi hanggang nang araw na iyon na inatake siya. Nagbabasa daw siya ng Isabel Allende at matagal bago siya inantok. Nakatulog siya ala-una na ng madaling araw. Bumaba siya mula sa kanilang selda sa fourth floor papuntang opisina ng SICA sa ibaba. Nasa tapat na siya ng Infirmary, bandang alas-nuwebe, nang nakaramdam siya ng pamamanhid ng kanang balikat, dibdib, braso. Muntik na raw, buti na lang, buti na lang.

Saka siya ngumiti, saka payamot na sinabing, “ang dami pang gagawin e!” May mga gagawin pa raw siyang card. May mga isusulat pa. Magdaraos pa ng Paskuhan sa Bicutan tulad sa iba pang mga kulungan. Pero alam kong hindi lang iyon ang mga tinutukoy niyang “gagawin.” Ang tinutukoy niya ay ang marami pang gawain sa pakikibaka kahit nasa loob siya ng kulungan — mga gawaing tinatanaw niyang gawin kapag siya ay nakalaya na.

Mas madalas naming nakasalamuha si Ka Eddik sa panahong sunod-sunod ang naging pagdinig sa kanyang mga kaso sa Quezon City Regional Trial Court. Habang pinagmamasdan siya habang nakaupo sa witness stand, kapansin-pansin ang pagiging kumpiyansa ni Ka Eddik.

Kaya di rin mapigil ang emosyon sa mga pagdinig kung saan pinawalang-sala si Ka Eddik sa mga kaso ng multiple murder at multiple frustrated murder na isinampa laban sa kanya. Pinatunayan ng lahat ng kanyang mga dokumento — birth certificate, diploma sa UP at iba pa — na siya si Eduardo Serrano at hindi si Rogelio Villanueva. Hindi siya kriminal, na pulitikal ang dahilan ng kanyang pagkakapiit.

 

Sa kabila noon, ikinulong na siya nang mahigit labing-isang taon. Hindi muntikan ang kanyang pagkaaresto noong 2004, habang siya ay consultant sa usapang pangkapayapaan at sa usapin ng mga magsasaka at katutubo sa Timog Katagalugan, partikular sa isla ng Mindoro. Lalong hindi muntik ang tagal ng kanyang pagkakakulong. Sadyang ipiniit at pinatagal siya sa kulungan para pigilan ang kanyang malayang pagkilos. Para sa estado, tinik sa kanilang lalamunan ang mga katulad ni Ka Eddik. Tinik sa lalamunan ang makabayan at rebolusyonaryong si Eduardo Serrano.

“Organizer ako sa Mindoro”
Dahil kung pagiging organisador ang pag-uusapan, matinik talaga si Ka Eddik.

Pagkatapos magkwento ng nangyari noong gabi hanggang kinabukasan, itinuro niya ang katabing stretcher sa emergency room. Isang linggo na sila dito, kwento niya. Nabundol daw ng SUV ang pasyente, at hindi pa sila makalabas dahil kulang pa ang pambayad sa ospital.

Nagpakilala siya sa anak na nagbabantay na detenido siya sa Bicutan. Organizer ako sa Mindoro, sabi niya. Habang nagkukwentuhan sila, nagbigay ang isang nurse ng iinumin niyang gamot. Mga tableta lang, walang kasamang tubig.

Hindi ko alam kung ano pa ang naikwento niya sa pasyente at sa bantay. Pero tiyak, marami-rami na kahit sandali pa lang siya sa emergency room. Matapos daw silang magkwentuhan, dali-daling lumabas ang bantay, iniwan sandali ang kanyang pasyente.

Pagbalik ay mayroon nang dalang bote ng tubig at ibinigay sa kanya. Ininom niya ang gamot habang may apat hanggang limang gwardya sa tabi ng kanyang stretcher, nakabantay lang at nakatingin.

Dumating din sa ospital ang kanyang pribadong doktor mula sa Health Action for Human Rights. May kasama silang isang estudyante at volunteer mula UP Manila. Pinalapit niya ako ulit habang itinuturo ang sarili at kami. Los Baños, Diliman, Manila. Ang galing daw, sabay tawa. Saka siya nagkwento na unang beses niyang makabitan ng suwero sa buong 62 taon ng buhay niya. Kinwento rin niya kung paanong napagpraktisan nila ang isang kasama sa pagkakabit ng suwero, iyon pala ay baligtad ang talim kaya hindi dumadaloy ang tubig. Bungisngis at tawa pa rin si Ka Eddik.

Dumating na ang mga kasama sa Karapatan sa Timog Katagalugan para mag-asikaso kay Ka Eddik. Umalis na muna kami dahil mayroon nang karelyebo. Samantala, iginiit ng kanyang mga doktor sa HAHR na ilipat siya sa ospital na may pasilidad at may espesyalista para sa kanyang kundisyon.

Sa Heart Center
Nang gabi ring iyon, ibiniyahe si Ka Eddik patungong Philippine Heart Center. Dinala siya sa Coronary Care Unit (CCU) habang hinihintay ang mga eksaminasyon kung siya ba ay dapat isailalim sa angioplasty. Dumalaw kami kinabukasan pero sandali lang. Buong araw na siyang nag-eestima ng mga dumalaw na kaanak, kaibigan at kasama. Tulad ng dati, nakangiti siya nang makita kami. Mahigpit ang pakikipagkamay. Inulit na naman niya, buti na lang. Sinabihan namin siyang magpahinga at magpalakas.

Pagkatapos nito, inabisuhan kami na huwag munang dumalaw sa mga sumunod na araw para makapaghanda siya sa gagawing angioplasty. Kinabukasan, nagpadala ng mensahe ang isa sa kanyang dalawang anak na matagumpay ang naging procedure. Ibinalik din siya sa CCU matapos nito.

Gayunman, kinailangan siyang isailalim ulit sa isang procedure na tinatawag na pericardiostomy, para alisin ang mga naipong fluids sa palibot ng puso (pericardium). Nanatili muna siya sa Surgical Intensive Care Unit (SICU) dahil dito.

SICA at SICU
Pinalitan lang ng isang letra ang SICA, biruan namin ng mga anak niya nang gabing isasailalim siya sa open surgery. Sumama akong magbantay nang gabing iyon, dahil may aasikasuhin ang ibang mga kasama.

Isinabit namin ang kamiseta niya sa labas ng kwarto, ang dilaw na kamiseta na may Free All Political Prisoners. Para alam ng lahat na bilanggong pulitikal ang nasa loob at di simpleng bilanggo. Nandoon pa rin sa labas ang mga bantay ng BJMP.

Malapit na mag-hatinggabi nang matapos ang isang oras na procedure. Ang sabi raw ng doktor, mga anim na oras pa siyang tulog dahil sa anesthesia. Pero makalipas lang ang isang oras, gising na siya.

Pilit niyang iniaangat ang kaliwang kamay papunta sa kanyang mukha. Marami kasing nakasaksak sa kanyang mga tubo at iba pa. Matiyagang sinasabi ng nurse sa kanya na huwag siyang magalaw, magpahinga lang at huwag tanggalin ang mga nakakabit sa kanya.

Sa maliit na salaming bintana sa pinto, sinisilip namin kasama ng kanyang mga anak si Ka Eddik. Bawat oras ng magdamag na iyon ay nagigising ako. Bawat silip din namin, pilit pa ring iniaangat ni Ka Eddik ang kamay niya. Muntik na nga raw niyang maalis ang mga tubo sabi ng nurse. Ayaw pa siyang talian ng nurse ang mga kamay niya noong una, kahit sinasabi ng mga anak na itali na siya kaysa naman madelikado siya. Itinali rin siya kalaunan.

Ang sabi ng ilang kakilala, ganoon daw talaga kapag galing sa operasyon at lango pa sa anesthesia. Ang nararamdaman lang ng pasyente ay may hindi normal na nakakabit sa kanya, at ang natural na reaksyon ay tanggalin ang mga ito.

Ilang araw pa siyang nanatili sa SICU. Mula sa maliit na salaming bintana, ilang araw din kaming kumakaway-kaway. May pagkakataon pang napagsabihan kami ng nurse na huwag daw kumuha ng litrato dahil bawal. Ang totoo’y gumawa lang kami ng mensaheng nakasulat sa tablet na ang sabi’y “Pagaling ka!”

Nagpadala rin ng mga card ang mga kasama niyang bilanggong pulitikal, gayundin ng bulaklak at vase, mga beadworks na produkto nila sa Bicutan. Itinatapat namin sa bintana para makita niya. Tango lang siya nang tango kahit may kalayuan at di niya kami masyadong maaninag.

Buong panahong iyon, kaway lang siya nang kaway sa amin. Ang kaway ay laging may kahalinhinang pagkukuyom ng palad. Sa unang beses na pinayagang makapasok ang kanyang mga anak, pilit daw nagmumwestra si Ka Eddik na kunan siya ng litrato. Di naman sila nakakuha dahil bawal nga.

Si Ka Eddik talaga, pumipiglas pa rin kahit sa ospital.

“Ibang klaseng laban ito”
Sa wakas, sinabi ng doktor na normal na ang tibok ng kanyang puso. Tinanggal na ang respirator at ang natitira na lang ay ang suportang oxygen, ilang tube, at ang mga suwero. Inalis na rin ang oxygen mask. Istable na ang kanyang kalagayan. Inilipat na siya ulit sa CCU.

“Ibang klaseng laban ito,” ang bungad niya sa akin nang muli akong nakadalaw. Tulad ng dati, nakangiti pa rin si Ka Eddik. Laking pasalamat pa rin niya na inatake siya ng umaga, at hindi sa loob ng selda. Marami pa raw gawain. Marami pang gagawin. Sabi ng lahat ng dumadalaw, basta magpahinga siya at magpagaling.

Nangungumusta siya sa lahat ng mga kasama, sa mga kapwa bilanggong pulitikal. Nagpapa-update siya sa mga nangyayari sa labas ng ospital at sa piitan. Nagtanong siya kung mayroon na bang press release o article na raw bang lumabas tungkol sa kundisyon niya para daw mapalakas ang humanitarian release para sa mga bilanggong pulitikal.

Inilabas ng anak niya ang mga card na bigay ng SICA at ng mga kababaihang bilanggong pulitikal sa kapitbahay nilang kulungan sa Taguig City Jail – Female Dormitory. Sabik niyang inaabot ang mga card at binasa. Kakaiba lang na sa pagkakataong ito, siya ang binibigyan ng card.

Nangumusta siyang muli sa mga kapwa bilanggong pulitikal sa mga aktibidad sa labas, at sa iba pang gawain. Ang kwento ng mga anak niya, patuloy daw niyang inaalala ang mga card na inihanda niya para sa mga kasamang may birthday o may okasyong inaalala.

“Hindi ako nakagawa ng card”
Pagkatapos na ng bagong taon ako nakadalaw ulit, ilang araw pa lang ang nakalipas sa buwan ng Enero. Buong panahon ng holidays, gayunman, regular ang pagpapadala ng mga anak niya ng tinawag na nilang “medical bulletin.”

Nakalipat na siya sa regular na kwarto. Nandoon pa rin ang mga bantay niya sa labas. Pati ang mga bantay ay lagi niya inaalala at sinasabi sa mga anak niya na pakainin sila at painumin ng kape. Nang nakakatayo na raw siya sa higaan, tumatabi pa siya sa kanila at nakikipagkwentuhan.

Sa muling pagdalaw, maaliwalas na ang kanyang mukha. Kasama ko ang isang kaopisina. Naupo siya mula sa pagkakahiga. Tulad ng dati, patuloy pa rin ang kwento. Kung mayroon daw mga artikulo tungkol sa pagkakaospital niya ay bigyan siya ng kopya. Binigyan din naman niya ako ng iba’t ibang babasahin na mula naman sa iba pang dalaw.

Sa tabi ng kanyang kama, may cabinet na lalagyan ng gamit ng mga pasyente at bantay. Ipinakisuyo niya sa kanyang kapatid na bigyan ako ng babasahin mula sa cabinet. Pagbukas ng pinto, bumungad ang patong-patong na libro, diyaryo at babasahin. Ang dami kong babasahin, sabi niya.

Naikwento namin sa kanyang may aktibidad sa isang araw sa kaarawan ni Crispin “Ka Bel” Beltran sa Plaza Miranda. Nakangiting nagtanong si Ka Eddik kung anong oras daw. “Pupunta ka?” biro ng mga kasama. Nagtawanan kami.

Kasabay ni Ka Bel ay kaarawan din ng isang kapwa niya bilanggong pulitikal at consultant sa usapang pangkapayapaan. Kapangalan din niya, si Eduardo Sarmiento, na nakakulong sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa. Sinentensyahan si Sarmiento, o Ka Edong, ng habambuhay na pagkabilanggo dahil lang sa gawa-gawang kaso ng illegal possession of explosives.

“Naku! Oo nga pala! Hindi ako nakagawa ng card,” sabi ni Ka Eddik. Pagkatapos ng masigla muling kwentuhan, nagpaalam na kami, nakipagkamay. Habang naglalakad pauwi, naisip kong dapat ay niyakap ko siya.

Bumalik ako kinabukasan. May kasamang isang anak ng bilanggong pulitikal at isang kasamang bumisita galing Cordillera. Kinumusta niya ang dating kakosa sa Crame, dati ring bilanggong pulitikal, na may edad na rin at lumaya matapos ibasura ang mga gawa-gawang kaso laban sa kanya.

Sa gitna ng kwentuhan, sabi ko sa kanya, “Ka Eddik, payakap nga!” Kinantyawan ako ng mga kasamang bantay, sa Karapatan sa Southern Tagalog daw si Ka Eddik magiging consultant kapag siya ay gumaling at lumabas sa ospital. Nagtawanan na lang kami.

Ang hindi inaasahan
Hindi ako dumalaw nang gabi bago muling inatake si Ka Eddik. Umalis ako nang weekend na iyon, pero nangako ako sa sarili na pagbalik, dadalaw ako ulit sa kanya.

Masakit ang ulo ko nang araw na iyon. Matapos mananghali, humiga ako para ipahinga ang masakit na ulo. Nakapikit lang ako at di pa nakakaidlip, niyuyugyog na ako ng isang kasama. Wala na raw si Ka Eddik.

Hindi ako agad nakapagsalita at nakatingin lang sa kanya. Wala akong nasabi kundi “anong nangyari?” Kinagabihan, tumawag ako sa isang kasama para magbalita, sa pag-aakalang hindi pa niya alam ang nangyari. Umaga pa lang daw na nabalitaan niya ay tumutulo na ang luha niya.

Pagtingin ko rin sa cellphone, sa halip na mga tanong sa detalye ng burol at parangal, ang tanong sa mga mensahe ay kung totoo ba ang balita tungkol ka Kay Eddik. Lahat ng tao ay nagulat.

Totoo pala ang sinasabi ng mga doktor. Kung tutuusin, delikado na ang unang atake niya sa puso, laluna’t pagkatapos nito ay nakitang 30 porsyento na lang ng puso niya ang gumagana. Maaaring ang susunod na atake ay maging sanhi na ng kanyang pagkamatay.

Gayunman, sa buong panahon, lumaban si Ka Eddik. Nakita ng lahat na balewala ang kahinaan ng kanyang katawan at ang umiral ay ang lakas ng kanyang diwa para manatiling buhay, at nakikibaka para sa buhay.

Serve the people
“Bakit ka nakapula?” humahagulgol na tanong sa akin ng isa sa mga anak ni Ka Eddik nang pumunta kami sa burol. Nanghiram ako ng Serve the People na kamiseta, pero kulay pula. Naalala ko ang pagtitiyak ni Ka Eddik na makapagsuot ng Free All Political Prisoners na kamiseta. Humingi ako ng paumanhin, at sinabing tiyak gusto ni Ka Eddik ang nakasulat.

Dalawang gabing pinarangalan si Ka Eddik sa UP Diliman, kapwa ng mga kasama sa Timog Katagalugan, at sa National Capital Region kung saan siya nakulong ng mahigit labing-isang taon. Dumagsa ang mga nagpaparangal na organisasyon, inbidibwal, mga nakasama niya sa bawat yugto ng kanyang buhay.

Wala ring patid ang pagdating ng mga sulat na nagbibigay-pugay at parangal kay Ka Eddik mula sa mga bilanggong pulitikal sa iba’t ibang panig ng bansa. Ang huli niyang mga nakasama sa SICA naman ay nagsagawa ng fasting at hunger strike sa buong panahong siya ay nakaburol hanggang siya ay ilibing.

Bumuhos din ang napakaraming kwento tungkol kay Ka Eddik, at ang pagkakaisa ng lahat sa kanyang mga katangian — masayahin, malapit sa mga tao lalo na sa masa; ang kanya laging pagbubukas ng sarili at pagbabahagi, ang buong-loob at di-mababaling pagtitiwala sa pagtatagumpay ng pakikibaka ng mamamayan.

Dumating ang mga magsasaka, katutubo at mga aktibista mula sa Mindoro at iba pang panig ng Timog Katagalugan para makiisa at magpugay. Kasama silang naghatid mula UP Diliman, nang dumaan sa Mendiola, at patungong UP Los Baños kung saan nagbigay naman ng pagpupugay ang mga mag-aaral, kapwa aktibista at iba pang kasama sa buong rehiyon. Makalipas ang isang gabi ay inihatid na siya sa Naga City, sa kanyang bayang pinagmulan.

Ang bayan (at) ang pamilya
Bumiyahe ako pa-Naga upang makipaglibing kay Ka Eddik. Dumating ako ng madaling araw at nadatnan ko doon ang kanyang pamilya. Sinalubong ako ng kanyang mga kapatid at nakipagkamay.

Payak ang naging burol ni Ka Eddik sa Naga, bagamat may araw pang inilaan para muling makapagbigay ng parangal ang mga hermano niya sa Sarong Banggi, gayundin ang mga kasama sa Karapatan sa Bicol, at mga kaanak na ngayon pa lang siya muling nakita.

Sa simbahan sa Ateneo de Naga nagdaos ng huling misa bago siya ilibing. Bago umalis sa punerarya, nag-picture taking muna ang pamilya ni Ka Eddik, bawat kapatid kasama ang kani-kanilang mga pamilya.

Biniro ako ng mga anak niya. Dapat daw may litrato rin ako na kasama si Ka Eddik. Buong panahon nga, wala akong litrato kasama siya, kahit sa ospital. O baka mayroon, sa nakaraan, sa mga pagdinig o sa pagbisita sa kulungan.

Ngumiti ako habang umiiling-iling. Nahiya ako dahil puro kapamilya ang nandoon. Hindi na ako nakatanggi nang hinila ako ng isa niyang kapatid sa harap ng ataul. Hindi na rin ako nahiyang magtaas ng kamao.

Gayundin sa simbahan, nang magkaroon muli ng pagkuha ng mga litrato. Bago rin iyon, nilapitan naman ako ng isa niyang anak para magsalita. Tatanggi sana ako dahil nakapagsalita na ako bago pa iyon, sa UP. Pero naisip ko, tiyak sasabihin ni Ka Eddik na dapat magsalita. Walang sinasayang na pagkakataong magpaliwanag. Tulad ng ipinamalas niya sa buong buhay niya, sa anumang kalagayan, dapat ipamalas at panindigan ang pakikibaka.

“Mauubos din ang luha namin”
Paakyat sa podium sa tabi ng altar, iniisip ko ang lahat ng mga kasamang nakausap noong ilang araw matapos mamatay ni Ka Eddik. Lahat ay umiiyak matapos mabalitaan ang nangyari.

Dumaan pa ako ng opisina bago pumunta ng UP Diliman. Tinawagan ako ng isang kasamang matagal na nakasama ni Ka Eddik, nagtatanong kung nasaan na daw ako. Sinabi kong papunta na ako at doon na lang kami magkita. Pagbaba ng telepono, napaiyak ako. Totoo na ito, sabi ko sa sarili, wala na nga si Ka Eddik.

Naisip ko rin ang mga kasamang bilanggong pulitikal. Kahit si Alan Jazmines daw, kapwa bilanggong pulitikal sa SICA, ay napaluha noong Paskuhan noong Disyembre. Lahat sila, buong panahon, ay nag-aalala kay Ka Eddik. Hindi nila gustong bumalik si Ka Eddik sa SICA, pero mas lalong hindi nila gustong mabalitaan na wala na ito.

Mauubos din ang luha namin, panghuli kong wika sa simbahan. Nagpasalamat din ako, sampu ng mga kasama, sa pamilya ni Ka Eddik sa pagbabahagi sa kanya sa amin. Kailangang unawaing hindi rin lahat ng kapamilya ni Ka Eddik ay sang-ayon sa kanyang naging buhay at pakikibaka. Tama sila, kung tutuusin, na napakaganda ng dapat sana’y naging karera ni Ka Eddik. Pero sa huli, matapos ang lahat ng pagpupugay, ang kanyang pamilya at kahit ang mga tulad kong hindi buong nasaksihan ang kanyang buhay ay sasang-ayon: wala ni isang sandaling nasayang sa makabuluhang buhay ni Ka Eddik. Naging makabuluhan ang kanyang buhay dahil inialay niya ito para sa nakararami. Hindi man tuwiran, pero kasama rito ang kanyang mga pamilya at kaibigan.

Marami pang nagsalita at nagbigay ng testimonya hanggang sa sementeryo. Sa huling sulyap kay Ka Eddik bago siya ilibing, hindi ko na napigilang umiyak. Nagtaas ako ng kamao, habang iniisip na iyon ay para sa lahat ng mga kasama na hindi na siya nakita sa huling sandali pero tulad niya’y nag-aalay ng buhay hanggang sa huli. Iyon ay para kay Ka Eddik. Iyon ay para sa masang kanyang pinaglingkuran.

Hindi katangi-tangi ang panahong nakasalamuha ko si Ka Eddik — sa panahon pa man din ng karamdaman. Pero naging makabuluhan at puno ng aral iyon para sa akin. Maaari kong sabihing bata akong natuto mula sa isang matandang hangal, tulad ng kilalang kwento sa Tsina. Pinatag ng matandang hangal ang bundok kahit na di naniniwala ang maraming tao. Ang sabi ng matandang hangal, hindi man niya mapatag ang bundok ngayon, tiwala siyang ipagpapatuloy ito ng mga susunod sa kanya.

Sa diwa ni Ka Eddik at lahat ng martir ng sambayanan, sama-sama tayong magtiwala, magpatuloy at mula rito, magtagumpay. ###

*para kay Hasmin at Feddik, sa kanyang kabiyak, sa mga kapatid, sa mga kasama sa Bicol at Timog Katagalugan, at sa mga bilanggong pulitikal.

(hiram ang larawan mula sa Interaksyon)

 

Ang pinakamahabang tatlong buwan

Ang pinakamahabang tatlong buwan
ay di katumbas ng 92 araw,
o 13 linggo.

Ito ay katumbas
ng 32 pagsilang, ng 40 paggulang
ng tatlong taong paglalagalag
at limang taong panggigipit.

Hindi ito katumbas ng mahahabang taon
na ginugol sa dalawang magkasalungat
na lunan o mundo.

Katumbas ito ng pauna
ng mga kwentong walang tuldok
at lahat ng inaasam na kasunod.

Katumbas ito ng simula
ng marami pang buwan at taon,
saanmang panig ng mundo.

Pagbawi ito ng pagtitimpi
paghahayag ng dating tahimik.

Pagtutubos ito ng sarili
at ng tanang dahilan
ng pag-iral at pagsilang

ng pinakamahabang tatlong buwan.